Resources
Videos
Helpful Links
Wellbeing
Early Childhood
Tools and Guides for Community Practice
ANO?
Ang hingalangin ay isang paraan ng pananalangin na naka-sentro sa paghinga. Sa pamamagitan ng paghinga, tayo ay nakikibahagi sa biyaya ng buhay. Sa ating paghinga papaloob, tayo ay tumatanggap ng oxygen na kinakailangan ng ating katawan upang mabuhay. Sa ating paghinga papalabas, tayo ay nagbibigay ng carbon dioxide na bumubuhay sa mga puno at halaman sa ating kapaligiran. Sa pamamagitan ng hingalangin, tayo ay namumulat sa biyaya ng buhay. Kahit gaanong kabigat ang ating pinagdadaanan, ang paghinga ay nagpapaalala sa atin na tayo ay pinagkakalooban ng buhay at pag-asa. Sa bawat hininga tayo ay kinakalinga at binibigyang-buhay ng Diyos. Habang nabubuhay, hindi tayo nawawalan ng pagkakataong mapabuti ang ating kalagayan at malampasan ang pagsubok.
BAKIT?
Ang pagtuon sa ating paghinga ay nakakatulong sa pagpapababa ng stress, na siya namang nakakatulong sa ating kalusugan ng isip at katawan. Maraming pagsusuri ang nagpapakita na ang mga gawaing nagpapahinahon sa ating pag-iisip, tulad ng hingalangin, ay nagpapatibay din ng ating katawan. Nakakatulong din ang hingalangin sa mga sandaling nabibigataan ang ating loob o naguguluhan ang isip. Sa paghihingalangin, lumilinaw ang pag-unawa natin sa ating karanasan, na nakakatulong sa ating gumawa ng mga wastong hakbang, sa halip na madala ng bugso ng damdamin.
PAANO?
Simple lang ang paraan ng paghihingalangin. Ang hingalangin ay para sa lahat. Kung ikaw ay humihinga, kaya mong maghingalangin! Mahalaga sa hingalangin ang pagtuon ng atensyon sa daloy ng paghinga—sa paghinga papaloob at papalabas, sa pakiramdam ng hanging pumapasok at lumalabas sa ating katawan. Natural lamang na ang ating atensyon ay matangay ng mga iniisip o inaalala. Kapag napansin natin ito, banayad lamang na itutuon muli ang ating atensyon sa paghinga. Hayaang ang bawat paghinga ay maging maluwag, malaya, at mapagkalinga sa sarili.
HINGALANGIN: PAGTANGGAP AT PAGKALINGA SA SARILI
Sa ating hingalangin maaring ipikit ang mga mata o bahagyang ibaba ang paningin.
Magsimula tayo sa pag-upo ng tuwid, damhin ang mga talampakan na nakalapat sa sahig (lupa), damhin ang katawan na nakalapat sa inuupuan.
Ituon ang atensyon sa paghinga…paghinga papaloob, damhin ang pagpasok ng hangin sa ilong, patungo sa likod ng lalamunan at dumadaloy sa buong katawan. Damhin ang paglabas ng hininga. Sa bawat hininga tayo ay tumatanggap at nagbibigay. Bawat paghinga ay nagpapaalala sa atin ng biyaya ng buhay. Damhin ang paghinga ng buong katawan. Hayaan ang bawat paghinga na maging payapa at malaya.
Ituon ang atensyon sa ating katawan…pakiramdaman ang buong katawan at pansinin kung may bahagi ng katawan na may pananakit o tensyon. Ibaling ang daloy ng paghinga sa anumang bahagi ng katawan na nangangailangan ng pagkalinga. Damhin ang ginhawa, ang pagluwag ng pakiramdamdam sa bawat paghinga.
Ituon ang atensyon sa ating mga damdamin. Ano-anong damdamin ang bumabati sa atin ngayon? Galak, takot, pag-aalala, inis, lungkot…batiin natin ng maluwag sa loob ang anumang damdaming nananahan sa atin. Walang panghuhusga. Tanggapin natin ang ating sarili ng buong-buo sa sandaling ito.
Sa bawat paghinga, bigyang kalinga ang sarili, ng sa gayon ay may lakas tayong kumalinga sa iba. Ang bawat paghinga ay para sa sarili at para sa lahat ng minamahal natin sa buhay. Damhin ang biyaya ng bawat paghinga. Biyaya na ibinabahagi sa iba, nagbibigay buhay sa lahat.
Kapag tayo ay handa na, dahan-dahang idilat ang mga mata, at ibalik ang sarili sa silid.
Pakikinig-Pagunawa-Pagtanggap Gabay sa Pagsasaayos ng Ugnayan
- Pagkilala sa kabutihan na nakikita natin sa ating kapamilya o kaibigan
Nagpapasalamat ako sa mga nagawang mong kabutihan sa akin tulad ng… Ikaw ay mahalaga sa akin sapagkat…
- Pagamin at pagbahagi sa ating pagkukulang
Nagkulang ako sa iyo sa mga pagkakataon na….
- Pagbahagi kung sa anong paraan tayo nasaktan ng mg salita o kilos ng ating kapamilya o kaibigan
Sana maunawaan mo na nasaktan ako noong…
- Pagsisimulang muli
Gawin nating maging mas maayos ang ating ugnayan sa pamamagitan ng… Pagsikapan natin na….
“Everyone in the circle has something to give and something to receive.”
– Rod Penalosa, PhD, Co-Founder, Circle of Hope